Ang Venganza para kay Ana Margarita
- Kaye O.
- Apr 14, 2023
- 3 min read
Updated: Apr 15, 2023
Kung saan at paano nagsimula ang Familia Mondego

Nagising si Fernan sa lagaslas ng tubig at mumunting alon na humahalik sa paanan niya. Nananakit ang katawan, hindi halos makamulat dahil sa namamagang pasa na tinamo sa kanyang mata.
Nalalasahan pa rin niya ang namumuong dugo sa gilid ng kanyang bibig.
Bumalikwas siya para bumangon. Pero pumigil sa kanya ang mga taling nagbibigkis sa kanyang mga kamay.
Mainit at mahapdi ang mahigpit na lubid sa kanyang pala-pulsuhan. Nagpumilit siyang makawala sa pagkakatali. Subalit mahigpit ang tali. Kapag iginagalaw niya’y bagkus ay lalo lamang humihigpit iyon. Nanunuot sa kanyang kalamnan ang hapdi at sakit.
Nasaan ba siya? Saan siya dinala ng mga demonyong pumasok na lang sa loob ng tahimik niyang tahanan? Ano na ang nangyari sa kanyang pamilya? Sa kanyang asawa ang mga anak?
Ramdam niya ang tagas ng dugo sa kanyang mga palad. Nanunuot sa buto ang kirot. Pero sa tuwing iisipin niya ang kanyang mag-iina, namamanhid ang pakiramdam niya.
Wala siyang pakialam kung maputol pa ang mga kamay niya sa pagpipilit niya! Basta makawala lang siya sa bigkis na iyon!
“Gising na siya, Senor!”
Naulinigan niya ang mataginting na tawa nang kung sino man ang nagsalita.
Wala ang liwanag ng buwan. Tanging mga nagkikislapang bituin lamang ang nagsisilbing tanglaw niya sa gagahiblang liwanag na nais niyang makita.
Kailangan niyang makatakas sa mga halang na kaluluwang ‘to!
“Sino kayo?!” Sigaw niya sa mga lalaking nakapalibot sa kanya. Nanginig ang kalamnan niya. Tumaas ang balahibo sa katawan niya nang makadinig siya ng palahaw ng isang sanggol.
“Anak!” Sigaw niya sa kadiliman. Patakbo siya sa direksyon ng anak niyang nagpapagitas na kaiiyak. Pero pinigil siya ng mga kalalakihan.
“Anong ginagawa niyo sa anak ko!?”
Mula sa madilim na bahagi ng dalampasigan, may nakita siyang pigura ng lalaki na may dalang sanggol. Pamilyar sa kanya ang taas nito, ang paraan ng paglalakad at tindigan. Kahit nababalutan ito ng madilim na suot at kapa, alam na alam na niya kung sino ito. Hindi siya maaring magkamali.
“I-Ikaw?!”
“Wala ng iba, Ferdinand.” Tila asido sa dila nito ang pangalan niya na binigkas nito.
“I-Ikaw na itinuring kong kapatid! Ikaw na isang tunay kong kaibigan—“
“Hindi mo ako itinuring na kapatid at hindi rin tayo magkaibigan, Fernand. Dahil kung tunay ang lahat ng sinasabi mo, hindi mo gagawin ang agawin ang akin!”
Hindi siya makapaniwala na ang sarili niyang kababata ang gagawa nito sa kanya! Ang kanyang kinakapatid!
Naging mabilis ang mga pangyayari. Nilooban sila ng mga kalalakihan. Naalala lamang niya ay ang pakikipagbuno niya habang pinatatakas ang kanyang mga anak. Nasaksak niya ang dalawang lalaki na nagtangkang hawakan ang kanyang asawa, palayo sa kanya.
Naging madilim lamang sa kanya ang lahat nang madama niya na may matigas na bagay na ipinukol sa kanyang ulo ang nanloob sa kanilang munting tahanan.
Dios mio, nasaan na kaya ang asawa’t anak? Nawa’y nakatakbo sila sa kagubatan.
“Anong ginawa mo sa kanila?!” Susugod siyang muli rito, pero mahigpit ang hawak sa kanya ng mga tauhan nito.
“Calme, Fernan. Ellos son seguros.”
Hindi siya naniniwala! Paano nitong sasabihing ligtas ang kanyang pamilya, gayong naririto ito ngayon, hawak ang kanyang bunso?
At hindi niya alam kung nasaan na ang kanyang mag-ina!
“Hijo de puta --”
“Huwag mong tawaging puta ang babaeng nagpa-aral sa’yo sa kabila ng pagtutol ng Papa! Hindi sa’yo bagay, Sacristan mayor.”
Bumasag sa katahimikan ng gabi ang pahaw ng sanggol. Nagkukumahog siyang makawala sa pagkakahawak ng tauhan nito.
Inangat nito ang kumot na bahagyang tumatakip sa mukha ng kanyang anak.
“Ibigay mo sa akin ang anak ko!”
Malamig ang pagkakatingin nito sa kanya. Punong-puno ng poot ang mga mata nito.
“Ako dapat ang ama niya kung hindi mo inagaw sa akin ang kanyang ina. Akin dapat ang mga batang iniluwal ng iyong asawa kung hindi ka nangahas na itanan siya palayo sa akin.”
“Ako ang parusahan mo. Huwag mong idamay ang pamilya ko!”
“Pamilya mo? O akin na inagaw mo?”
“Akina ang anak ko!”
Umugong sa kaparangan ang tawa nito. Niyakap nito sa bisig nito ang kanyang sanggol. “Kukunin ko ang lahat-lahat sa’yo, na dapat as sa akin!”
“Bakit?” isang simpleng salita na lamang ang nanulas sa kanyang mga labi. Hindi siya makapaniwala na gagawan siya ng ganito ng taong itinuring niyang kadugo.
“Tinatanong mo ako kung bakit, Fernan?” Bahaw itong tumawa.
Nagsimula nang gumuhit ang kidlat sa kalangitan, kasabay ang tila delubyo na tunog ng kulog. Sa saglit na liwanag na nagmula sa kalangitan, kitang-kita niya ang poot sa mga mata nito.
“Nasa akin na ang lahat-lahat. Bakit ko hahangarin na sana ako na lang ikaw? Isa ka lang bastardong pesante!”
Binalingan nito ang mga tauhan. “Bahala na kayo sa kanya.” Tumalikod na ito sa kanila, tangan ang kanyang anak.
“Hayop ka! Magbabayad ka!” Umaagos ang luha niya habang isinisigaw niya iyon. Hinihila siya palayo ng mga tauhan nito habang nadidinig niya ang matinis na iyak ng kanyang anak.
Nagdilim ang paningin niya nang maramdaman niya ang matigas na hampas sa kanyang batok.
Comments