Isabel Vera Luna
- Kaye O.
- Apr 14, 2023
- 2 min read
Ang pusong nangungulila sa anak

Ika - 1 ng Nobyembre 1935
Hindi na naman ako makatulog. Media noche na subalit mailap pa rin sa akin ang antok. Sa tuwing sasapit ang petsang ito kada taon, hindi ko maiwasan ang makadama ng kalungkutan.
Hindi lamang ito ang kaarawan ng pag-alala sa mga yumaong mahal sa buhay, subalit ito ay araw din nang ako’y saglit lamang naging ganap na ina.
Ika- limang kaarawan ng aking niña kung siya ay nabubuhay. Hating gabi noon, noong ako’y magsilang. Sayang at hindi ko man lang siya nakita bago siya ipinalibing ng Papa sa Monasteryo.
Nais ni Papa na roon siya ihimlay upang makaiwas sa mga tanong ng mga taong mapapadako sa museleo ng Asyenda.
Kung marahil nabuhay ang aking anak, wala akong pakialam kung tawagin siyang bastarda ng mga tao.
Hindi siya bastarda. Nabuo siya sa pinagpalang pag-ibig ng Panginoon. Hindi siya pagkakamali. Bunga siya ng pagmamahalan, kahit pa sa isang maling lalaki ako umibig. Siya ang masasabi kong pinakang tama kong nagawa sa aking buhay.
Marahil ay kung buhay lamang ang aking anak, magiging matanong siya sa akin kung bakit sa araw ng mga patay ako nagkaroon ng pagkakataong magsilang.
Ah, marahil ay magiging katawa-tawa sa aming dalawa ang paksang ito. Walang sawa akong sasagot sa mga tanong niya kahit maya’t maya pa siyang magtanong. Kahit maging makulit siya, hindi ako magsasawa.
Gusto kong ilarawan siya sa aking imahinasyon bilang batang sampung taong gulang. Marahil ay namamasyal kami sa Espanya, Pransya at iba’t ibang bansa ng Europa upang mamili ng magaganda at mamahaling damit.
Ipapasuot ko sa kanya ang nagkikislapang mga alahas na aking minana sa aking Mama at Abuela.
Ituturo ko sa kanya ang kahalagahan ng pagdarasal at kagandahang asal. Ayokong matulad siya sa aking kapatid na si Alejandro na maramot at arogante.
Ipagmamalaki ko siya sa bawat taong aking makasalamuha. Ituturing ko siyang isang Prinsesita.
Kung buhay siya, marahil ay kami ang magkawangis. Marahil ay higit siyang maganda kaysa akin. Higit na matalino... at higit na mabait.
Marami pa sana akong plano para sa aking anak. Napasaklap lamang at ipinahiram lamang siya sa akin ng isang saglit.
Ah ayoko munang magdalamhati ngayon. Kahit isang araw lang, kailangan kong maging masaya para sa aking anghel. Kaligayahan ko na malamang nasa piling na siya ng maykapal sa kalangitan.
Feliz cumpleaños, mi dulce niña. Te quiero.
Maria Isabel
Comentarios